Friday, March 4, 2011

anong title nito?

hindi ako nagbibilang ng kung anuman kasi hindi ako magaling sa math at hindi iyon ang hilig ko. may mga pagkakataong nagbubuntong hininga lang ako kasi ayoko ng gulo. pero minsan kailangan ring ilabas kasi naman hindi ako perpekto, hindi ako kongretong hindi nababasa kapag umuulan. tulad ng iba, tao lang ako, nagkakamali, nasasaktan, naguguluhan, nagkakaroon ng kasalanan, nagsisisi.

sa loob ng maraming buwan, aminado naman akong ang sama ko talaga. hindi ko yun itatanggi kasi ako lang din naman ang lumoloko sa sarili ko, ako lang din yung babagabagin ng konsensya ko kung sakali, ayoko ring itago yung kung anuman yung nakikita ko kasi may mata ako, parte ng buhay ang magsalita at parte ng buhay ang husgahan. alam ko kasi naranasan ko nang husgahan ng minsan, isang pagkakataong hindi ko ginusto pero nangyari. bangungot na ayaw akong tantanan. pero kahit ganoon, ginagawa ko pa rin sa iba--vain nga ako.

isip bata ako at gustong gusto ko lang maglaro, mahilig akong sumubok ng mga bagong bagay kahit na hindi ko naman talaga kaya. pero hindi yun rason para maging inosente ako sa lahat ng bagay na maaaring pagdaanan ng isang tao. marunong akong umunawa dahil natutunan kong unawain. at naniniwala akong ang problema ko ay hindi na dapat pang problemahin ng ibang tao. mahal ko ang mga kaibigan ko, ayokong dumagdag sa kung anumang kulubot sa noo nila. 

hindi ko kailangang ipagsigawang malungkot ako, may problema ako, at gusto ko nang magpakamatay. hindi ko kailangan kasi hindi yun ang dapat. at kung sakaling may makakaalam man, hindi yun dahil sa sinabi ko kundi dahil yun sa nahalata nya. kasi nga kilala nya ako. hindi ko kinakailangang isigaw sa aso ko na ako ang amo nya, dahil sa amoy palang kilala na nya ako at kumakawag na ang buntot nya..

hindi sa hindi ako nakakaintindi sa maraming bagay, tinitignan ko lang ang mas malawak na posibilidad sa kung anuman ang maaaring dahilan ng mga pangyayari. ayokong kumampi dahil sa kaibigan ko ang isang tao, kakampi ako dahil sya ang tama. tututol ako sa kung ano ang mali, hindi dahil sa hindi ko sila naiintindihan o may galit ako sa tao, kundi dahil sa gusto kong malaman nya at mamulat sya na mali ang ginagawa nya, maiintindihan nya lamang yun kung sya rin mismo ay ganun ang pananaw sa buhay. hindi lahat ng tumataliwas sa agod ay masama, dahil tulad ng bato, makakapitan mo ito sa oras na tatangayin ka na ng malakas na agos ng tubig sa ilog. 

may mas malawak pang kadahilanan ang bawat bagay na dapat nating isaalang alang, hindi para sa kapakanan ng sarili mo kundi minsan ay para na rin sa kapakanan ng ibang tao. mahirap magsalita ng tapos at magsalita tungkol sa isang bagay na hindi mo naman alam, mali ako sa bagay na yun. alam kong ganun ako hindi lang minsan kung hindi madalas. 

hindi na rin sapat para sakin ang paghingi ng patawad, marunong naman akong kumapa ng tamang oras para sa mga bagay na sensitibo at magulo, pero sana naman tignan muna natin ng maiigi ang tunay na punto ng bawat galaw ng isang tao para wala tayong pagsisihang isang bagay sa huli. hindi naman dapat umiiral ang salitang "PATAWAD" kasi wala naman talagang problemang iyan ang solusyon. kahit saang anggulo mo pa halungkatin. walang patutunguhan ang salitang yan. mahirap kasing hukayin yung tunay na ibigsabihin niyan, idagdag mo pa sa tunay na layunin ng taong nagsasabi.

tulad ngayon, tatapusin ko na ito kasi nasosobrahan na ako, at kung ikaw na makakabasa nito ay magagalit dahil natamaan ka, wala na akong magagawa kasi naramdaman mo na yan, pero isisingit ko pa rin naman para mas maayos..


PATAWAD.

No comments:

Post a Comment